Humayo ng panatag
Sa gitna ng ingay at pagmamadali,
At tandaang may kapayapaan matatagpuan sa katahimikan.
Hangga't maaari nang walang pagsuko
Makipagkapwa-tao
Bigkasin ang iyong katotohanan nang mahinahon at malinaw
At makinig sa iba, kahit sa mapurol o mangmang
Sila ma'y may kanilang salaysayin. Iwasan ang mga taong
Maingay at magaspang; nakaririndi sila sa diwa.
Kung ihahambing at masamain mo ang loob, pagka't
Laging may hihigit sa iyo at may hihigtan ka.
Masiyahan ka sa iyong mga natamo, gayundin sa iyong mga balak.
Manatiling buhos ang iyong kalooban sa mga gawain, gaano man
Kababa; tunay itong kayamanan sa nagbabagong panahon.
Maging maingat sa pakikipagkalakalan paagka't ang mundo'y
Batbat ng panlilinlang. Subalit huwag hayaang
Makabulag ito sa iyo sa anumang kabutihang mayroon; maraming
Nagpupunyagi para sa mga adhikaing dakila; at sa lahat ng dako
Ang buhay ay lipos ng kabayanihan.
Huwang mangkunwari laluna ng pagmamamahal
Huwag ding talikuran ang pag-ibig, pagka't sa gitna ng
Katigangan at kalungkutan, kailanma'y umuusbong
At nabubuhay itong tulad ng damo.
Maluwag na tanggapin ang payo ng katandaan
Banayad na isuko ang mga bagay ng kumusmusan
Arugain ang tibay ng loob na sasalag sa mga biglaang
Sakuna. Ngunit huwag palulumo sa mga guni-guni
Maraming takot ang dulot ng pagod at kalungkutan
Sa kabila ng malusog na disiplina, maging mabait sa iyong sarili.
Anak ka ng sanlibutan, tulang mga punungkahoy at bituin
May lugar ka rito. At malinaw man sa iyo o hindi, walang
Alinlangang bumukadkad ang daigdig ayon sa nararapat.
Kaya maging panatag ka sa Diyos, anuman ang pagkakilala mo
Sa kanya. At anuman ang iyong mga gawain at mithiin, sa maingay
Na kalituhan ng buhay, panatilihin mong panatag ang iyong kalooban
Sa kabila ng panlilinlang, kawalang-buhay at mga gumuhong pangarap
Maganda pa rin ang mundo.
Salin nina Cora at Rey Casambre
No comments:
Post a Comment